God is good. Dalawang bahay na lang at sa amin na yung masusunog.
Salamat Lord! Napatay ang apoy! Di ko alam ang uunahin ko dai! Haha
Kumusta naman ang LPG outlet namin? Lol
/Kaloka
September 25, 2011 12:19pm
Good mornig Kuratong Baleleng!
September 28, 2011 11:05pm
Good is bigger than any problem. He will guide, lead and heal.
Kapit lang. I know malalampasan ko ito ulit.
Squad, good luck tomorrow, have faith.
/Goodnight
September 29, 2011 11:57am
Please include me in your prayers. Bumalik ang sakit ko.
Hirap na ako huminga. Hindi fashionable kapag may oxygen. Salamat.
Good luck COC Cheering Squad. Sayang di ako makakanood but dont worry,
my heart is with you guys. So proud sa mga magla-last dance.
/OMW home from the hospital
October 1, 2011 9:50pm
I miss you all. Keep praying for me.
Makakabawi din ako sa inyo. Salamat!
October 4, 2011 5:42pm
Superbored!!!
October 12, 2011 12:49am
Confirmed. I'm waiting for my ambulance. Rampa nanaman sa ospital. Kabog.
Basta sama niyo lang ako sa prayers para maduktungan buhay ni bakla. Keri?
Mahal na mahal ko kayo! Pag nategi ako, gusto ko may mag-Kendeng-Kendeng ha?
May price. Signing out.
/Weak bitch.
October 12, 2011 12:49am
Pota, astig talaga ang wang-wang! Gusto ko dumungaw at mag-rock on!
Lahat nakatingin. Haha.
/Kalma lang.
Ito ang mga huling text message na nareceive ko sa kaibigan ko.
Buong akala ko nabura ko lahat sila bago ko malaman ang nangyari sa kanya.
John. Yun ang tawag ko sa kanya nung enrollment pa lang namin para sa college. Joy ang tawag niya sa akin, at ipinipila niya pa ako sa enrollement noon para hindi na ako mahirapan... sumingit. Pagpasok namin sa klase, doon na siya nagpakilala sa lahat bilang si John Christian Erestain, at tawagin na lang daw namin siyang "Itchan".
Si Itchan. Bakla siya. Eh ano naman? Totoo siyang tao, kaibigan at kapatid sa aming lahat. Siya ang nagpapasaya sa buong klase namin. Mahilig siya magkwento sa iba kung ano na ang ginagawa niya. By any means, kwentuhan man, sa text o online.
Hindi ko alam kung nitong taon lang ba nagkasakit si bekla o mga late last year pa. Pneumonia daw ang tawag sa sakit niya, at matagal siyang na-confine sa ospital. Halos araw-araw niya kaming binibigyan ng update via SMS kung ano na ang lagay niya. Gumaling siya, pero hindi muna siya pwede magtrabaho. Kailangan niya ng pahinga at maintenance sa gamot.
OK na siya, sabi niya.
Ilang buwan pa at natanggap namin ang text niya na bumalik nga daw ang sakit niya.
Sa isip ko, "Okay lang si Itchan, kaya niya yan."
Kampante at tila binalewala ko ang text niya. Tiwala ako kay bekla na malalampasan niya ulit ito katulad ng unang pagkakataon dahil alam ko na matapang siya. Alam ko na lalaban siya katulad ng dati.
Madaling araw na nang makauwi ako. Ala una ng October 18, at pagod na pagod ako galing sa trabaho.Nakaidlip ko agad hanggang sa tumunog ang cellphone ko. Naalimpungatan ako, akala ko tawag galing sa trabaho. Pangalan ng kaklase ko ang lumabas, si Juni Amaba. Mas nakalma ako, nakapikit at inaantok na sinagot ang cellphone.
"Hello?"
"Bakla..."
"Bakit beks?"
"Bakla, wala na si Itchan."
Napabangon ako.
"Beks, wala namang biruan ng ganyan!"
"Totoo bakla, kapatid niya ang nagsabi sa akin..."
Nanginiginig na ako..
"Totoo ba talaga?"
Umiiyak na ako.
"Kung gusto mo, itext ko yung kapatid niya, ito yung number..."
"Hindi na...ah.. ano ba.. to.. totoo talaga? Pa.. Paano yan.."
"Patulong naman, sabihan natin classmates natin..."
"Ha.. uhh.. tawagan ko si Maje.. T.. Teka... Bakla, totoo ba ??"
"Oo beks, nagulat din ako."
Nanginginig ako. Hindi ko mai-dial ng maayos ang numbers ng mga kaklase ko. Hindi ko alam paano ko sasabihin. Hindi na ako natulog noon hanggang sa magliwanag. Diretso pasok na ako sa trabaho.
Nagpunta kami sa unang gabi ni bakla. Pagkababa ng sasakyan, nakita ko ang tarpauline sa labas ng chapel. May pangalan ni Itchan... John Christian Erestain... Born... Died... Patawid pa lang ng daan, hindi ko na napigilan ang emosyon ko.
Ang sakit-sakit.
Naikwento sa amin ng Mama ni Itchan kung ano ang mga nangyari noong huling sandali niya. May guilt feeling man ako dahil binalewala ko ang kalagayan ni Itchan sa pag-aakalang magiging okay siya, wala na akong magawa pa.
Ang Dios ay hindi nagkakamali.
Si Itchan, sa paniniwala ko'y ang misyon niya sa buhay ay pasayahin ang mga kaklase at kaibigan niya. At ngayong magkakahiwalay na kami, nagkasakit siya at saka niyakap pabalik ng Panginoon. Sabi siguro ni Lord sa kanya, "Anak, ang husay mo... Job well done."
Huling araw na ni Itchan at kailangan na siya ilibing.
Usapan ng klase na mag-suot kami ng puti at 9am ay dapat nandun na kami sa chapel para sa tribute kay Itchan.
Pagkababa ko sa LRT Santolan, habang nag-aabang ako ng jeep ay may lumapit sa akin. Dalawang tao na nakaputi rin at may dalang mga bulaklak. Mga kaklase ko, sina JV at Odette. Ito nanaman ako, hindi ko nanaman mapigilan na umiyak. Sa isip ko, totoo talaga. Naka-puti kami, may kaibigan kaming pumanaw.
Nagbigay kami ng tribute kay Itchan. Ang bilin, dapat may sumayaw dapat ng Kendeng-Kendeng nag ginawa naman ng pep squad, at ang request niya na kantahin sana ng Jesus Take The Wheel ni Carrey Hilson na kinanta ni JV, at isang AVP presentation na hinanda naman ni Ayvee. Pati na ang testimonials kung gaano siya kabait na tao at gaano siya kahalaga sa amin.
Sa harap ko nakaupo ang pamilya ni Itchan. Nang kantahin na ni JV ang Jesus Take The Wheel, nag-iyakan kami. Lumingion sa akin ang Mama ni Itchan sabay humagulgol at nanginging na sinabing, "Lagi yan kinakanta ni John..."
Nagdurugo ang puso ko, na makita ang mga magulang ni Itchan na nasasaktan. Gusto kong mas gumaan ang pakiramdam nila pero hanggang haplos lang ang naiganti ako.
Kailangan ko na umalis dahil halfday lang ako pinayagan sa trabaho. Lumapit ako sa katawan ni Itchan, tinitigan at tinandaan ko ang mukha niya. "Beks, ito na ang huling pagkakataon na makikita kita..." Dalangin ko sa Panginoon, "Lord, ikaw na bahala sa kaibigan ko. Salamat po at ipinahiram mo siya sa amin..."
Hindi nagpakita si Itchan sa amin na nahihirapan na siya. Nais niya siguro na tanging magagandang ala-ala lang ang iwan niya sa amin... Sabi nga ng plakadong biro na ginagamit lagi ni Itchan, "Ang buhay ay hiram lamang..." Hindi natin alam kung kailan ito kukunin sa atin, kaya't hanggang nasa sa atin pa ito, ipakita natin sa mga taong mahal natin kung gaano natin sila kamahal.
...Itchan, kaibigan ko. Magpahinga ka na. Alam kong mas maligaya ka na ngayon. Hindi pa rin ako makapaniwala na sa mga susunod na araw ay hindi na kita makakasama pa... Sana'y kahit papaano naparamdaman ko sa iyo kung gaano kita kamahal. Hanggang sa muli... :)