Malamig..
at Malakas ang buhos ng ulan...
Sabi sa balita, wala naman daw bagyo o low pressure area sa
loob ng bansa, hanging habagat lang daw ito na pinagiibabayo ng Bagyong Haikui
na kasalukuyang nasa bandang Taiwan.
Madaling araw ng Martes, August 7, kailangan ko pumasok sa
trabaho. Pahirapan ang pag-aabang ng masasakyan. Sa sobrang lakas ng ulan, may
ilang bahagi na ng daan na agad nang binaha kaya bago pa makarating sa tapat ko
ang taxi, nakikita kong umiikot na sila pabalik para hindi na tumuloy sa baha.
Desidido akong pumasok. Naisip kong tawirin ang baha pero hindi ko masyado
na-convince ang sarili ko kaya lumapit na lang ako, para at least makita ng mga
taxi drivers na may babaeng kawawa at kanina pa nag-aabang ng taxi.
Pagkatapos ng boardwork ko, bandang 8am, medyo humina na ng
ulan. Madiliim pa rin ang langit, parang mag-aalas-sais pa lang ng umaga, pero
medyo humina na ang ulan sa may bandang Ortigas.
Pahirapan ang pag-aabang ng masasakyan. Sinabi ko na 'yun kanina,
sequel ito.
“Manong, sa Galas po.” Sa bilang ko, walong beses ko ito
nasabi dahil walong taxi ang pinara ko na hindi ako sinakay. Matagal din ang
pagdating ng susunod na taxi,kaya medyo naubos yung pasensya ko sa mga sumunod
na taxi drivers na tumangging isakay ko.
May isang mabait na taxi driver na nagsakay sa akin.
“Manong, Galas po.”
“Sige po.”
“Galas po.”
“Tara po.”
“Ows? Di nga Kuya?”
Sabay sakay agad sa taxi. Baka mag-bago pa ang isip ni
Manong. Dinagdagan ko na rin ang binayad ko kay Manong, maliban sa siya lang ang nagsakay sa akin, nabanggit niya na nasa ospital daw ang apo niya kaya napilitan siyang mamasada kahit malakas ang buhos ng ulan. Maliit lang naman yung inabot ko, pero may kalakip na panalangin yun para sa agarang paggaling ng apo niya.Hindi ko nakuha ang pangalan ni Manong pero nagpapasalamat talaga ako sa kanya, driver siya ng World Taxi TXK382.
Wala gaanong trapik at baha sa mga dinaanan namin. Pero hanggang
sa may Araneta Ave. na lang ako naihatid ni Manong dahil doon na nagkaroon ng malalim
na baha at hindi na talaga kayang daanan ng anumang sasakyan.
First time ko ma-stranded. Ito na ang ilan sa mga eksenang nasaksihan ko. Parang mababaw lang sa picture, pero parang beach yan. Habang lumalayo, lumalalim. Hehe.
Paano ako nakauwi? Edi lumusong sa baha! May choice ba ako? Hahaha!
Una. Kinailangan ko tumawid sa concrete barrier na ito hanggang sa makarating sa SM Centerpoint. May mga taong tumutulong para umalalay, aabutan mo lang sila kahit P5.00.
Buti na lang, to the rescue si father dear. Thanks Dad!
Pangalawa. Kailangan sumakay ng raft boat na itinatawid ng mga taong nakalusong sa tubig. Apat ang kayang isakay nito. Standing ang eksena at kailangan ng bonggang talent sa pagbabalanse ng katawan kung ayaw mong mahulog sa baha. Itatawid ka nila hanggang sa entrance ng LRT V.Mapa Station para makatawid ka sa kabilang side. P20/head
Pangatlo. Pagkatawid mo ng LRT, may toda ng mga balsa. Makeshift ang mga balsa mula sa itinaling mga empty plastic gallons bilang floater at nakabaligtad na batsa sa ibabaw bilang upuan. May medyo sosyal na version, yung bangka na gawa sa steel tub. 2-seater amg parehong style. Hindi ko na nakuhan ng picture yun. Matindi na ang pagkaka-kapit ko sa batsa! P40/head.
Kung pwede lang maiwasan na ma-stranded. Sino ba naman gugustuhin ma-stranded diba? Una nakakatakot, pangalawa, magastos!
Pwera biro, nakakatakot talaga. Kung hindi ka malulunod o makakasakit dahil sa tubig baha, yung ibang napanood ko sa balita, nakuryente naman. Buti na lang nakauwi pa ako ng ligtas sa bahay. Thank you Lord.
Napansin na natin si Habagat. Sumama yata ang loob na kahit madalas silang binabanggit ni Amihan sa weather report ay hindi naman sila napapansin. Naging malupit ang hagupit nito, pero 'wag natin isisi sa kahit kanino.
Ang matinding baha, maliban sa kalokohan ng contractors ng DPWH at DPWH mismo na matabunan ng aspalto ang 600+ na manholes, epekto rin yan ng basura natin!
Itapon kasi ng tama. Nung elementary naman tayo, tinuruan naman tayo magbulsa ng mga kalat natin diba? Kahit na yosi lang yan, itapon mo ng maayos. Kahit balat lang yan ng kendi, itapon mo ng maayos. Kahit balat lang yan ng butong kalabasa, itapon mo ng maayos.
Haay. Ondoy, tinalo ka ng experience ko kay Habagat. Sana wala na kayong mga kalahing sumunod pa.